Wednesday, October 14, 2015

Essay (Filipino)

Ang Mundo sa Loob ng Jeepney
By Bittersweet Soulseeker

                        Sa loob ng pampasaherong jeepney ay may maliit na mundo na bagaman hindi natin napapansin ay nagiging mundo rin natin. Bawat taong umuupo sa magkaharap na upuan ay may kanya-kanyang kwento; mga kwentong kumakatawan hindi lamang sa kani-kanilang buhay kundi maging sa buhay ng mga Pilipino.
           
                        Ang pampasaherong jeep ay umalis na. May sumakay na isang dalaga na nasa kanyang kabataan. Sa kanyang postura ay mababakas ang kanyang propesyon. Ang binibini ay isang ganap na guro na halos katatapos lamang sa kolehiyo. Siya ay patungong POEA upang magpasa ng dokumento para sa kanyang pangingibang-bayan. Siya ang kinatawan ng mga propesyonal na Pilipino na mas ninais ang lumipad abroad at doon magserbisyo sanhi na rin ng mas malaking kita. Ito ang tinatawag na     “brain drain”.

                        May sumakay muli. Isang mag-aaral sa kolehiyo ang sumakay at siya ay may dalang placard. Siya ay nagtungo sa kanyang pamantasan upang makisama sa pag-aaklas laban sa muling pagtaas ng tuition fee.  Siya ang mukha ng kabataang mag-aaral sa ating bansa sa kasalukuyan.

                        Ilan pang minutong pagtakbo nang sumakay ang batang mag-asawa ang dalawa ay mga kapwa teenagers pa lamang. Sila ang kinatawan ng kabataang naligaw ng landas at nasira ang kinabukasan sanhi ng talamak na kaso ng pre-marital sex.

                        Hindi pa nakalalayo ang jeepney ng mahinto ito sad dagat ng tao. Ang paghintong ito ay hindi upang magsakay o magbaba ng pasahero ngunit dahil sa dagat ng katawan na nag-aalsa at nakikipaglaban sa kung anong alam nilang katotohanan. Nagkakagulo ang paligid. Sa lansangan ay narooron na ang lahat ng uri ng tao; may pulitiko, may relihiyoso, at kung sinu-sno pa.

                        Sa puntong ito ay may sumakay muli. Siya ay isang matandang babae na hindi man magsalita ay magugunita mo ang kahirapang kinasasadlakan. Nagtungo siya sa pag-aalsa o “rally” kahit na hindi niya batid ang kahahantungan o kahit ang dahilan ng lahat ng yaon. Sa kabila ng katandaan ay tinanggap niya ang kabayaran upang makiisa sa rali. Isa lamang siya sa libu-libong Pilipino na sa sobrang kahirapan ay kumakapit na sa patalim.

                        Ilan pang sandali ay may sumakay na pulitiko, may kausap sa cellphone. Mukhang seryoso ang usapan sa magkabilang-linya. Kung ano man ang usapan ay tanging sila na lamang ang nakakaalam maliban na lamang kung naka-wire tap ang linya nila. May sumakay muli, isang barumbadong lalaki. Tumabi siya sa pulitikong abala pa rin sa kausap. Wala pang isang minuto ay bigla na lamang kinuha ang telepono ng pulitiko at tumalon pababa ng jeepney. Ang lalaki ay isang snatcher. Nagawa niya iyon dahil siya ay biktima ng labis na kahirapan at bulok na sistema ng pamahalaan.

                        Nagkakagulo ang lahat nang sumakay ang huling pasahero. Siya ay naupo sa tabi ng drayber. Pinagmasdan niya ang ibat ibang mukha ng kasama: ang buhay ng kasalukuyang Pilipino; ang mukha ng pamahalaan; ang mukha ng karahasan; ang mukha ng kahirapan. Ang mga kinatawang bumubuo sa Pilipinas. Ang huling pasahero ay ang kinatawan ng mga kabataang umaasa sa pagbabago. Ito ay walang iba kundi AKO.

No comments:

Post a Comment